Pag-IBIG Fund (HDMF) PRESS RELEASE | Kasunod ng kanyang ikalimang State of the Nation Address, binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang People’s Ville Homeowners Association sa Calinan District, Davao City. Kasama ng Pangulo sina Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon P. Aliling, Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, at Social Housing Finance Corporation President at CEO Federico Laxa.
Ang People’s Ville ay isa sa mga abot-kayang housing projects na accredited ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.
Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan, maaaring makabili ang mga kwalipikadong miyembro ng 28.8-square-meter condominium unit sa People’s Ville sa mababang buwanang monthly payments. Sa subsidized interest rate na 3% kada taon para sa socialized housing loans at sa Graduated Amortization Payment option ng Pag-IBIG Fund, maaaring magsimula sa ₱2,331.89 lamang ang buwanang bayad sa unang taon bago ito unti-unting tumaas sa mga susunod na taon.
Sa kanyang pagbisita, kinumusta ng Pangulo ang ilang Pag-IBIG Fund Housing Loan borrowers na nakabili ng condominium unit sa proyekto. Kabilang sa kanila ang isang overseas Filipino worker, isang may-ari ng maliit na tindahan, at mga homeowners na may visual impairment. Ibinahagi nila kung paano sila nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan sa pamamagitan ng abot-kayang financing ng Pag-IBIG Fund.
Sa kasalukuyan, 26 na gusali na may 2,600 housing units na ang natapos sa People’s Ville, kung saan mahigit 400 pamilya na ang naninirahan sa kanilang mga bagong tahanan. Kapag ganap nang natapos, magkakaroon ang proyekto ng 72 gusali na may kabuuang 7,200 housing units sa mahigit 14 na ektaryang lupain.
Bilang bahagi ng pagbuo ng isang ligtas at maayos na komunidad, magkakaroon din ang People’s Ville ng mga parke at palaruan, outdoor gym, multi-purpose hall, at iba pang pasilidad para sa mga residente at kanilang mga pamilya.
Sa patuloy na pagtutulungan ng DHSUD, Pag-IBIG Fund, SHFC, mga lokal na pamahalaan, at mga katuwang na developer, isinusulong ng Expanded 4PH ang pagtatayo at pagpopondo ng mas marami pang dekalidad at abot-kayang tahanan para sa mga pamilyang Pilipino.