Agad pinakikilos ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang Energy Regulatory Commission (ERC) na repasuhin ang umiiral na mga panuntunan upang mapababa ang system loss charges habang binabalangkas pa ng Kongreso ang panukalang batas para tuluyan itong alisin.
Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na tanggalin ang system loss charge sa singil sa kuryente ng mga konsyumer.
Ayon kay Ridon, dapat pigilan ng ERC ang paniningil na bunga ng hindi episyenteng operasyon, mahinang maintenance, pagnanakaw ng kuryente at iba pang kahalintulad na dahilan.
Diin pa niya na ang reporma ay dapat magresulta sa tunay na pagbaba ng bayarin sa kuryente at hindi lamang sa pagpapalit ng pangalan o paglilipat ng singil sa ibang bahagi ng billing.
Tinukoy ng mambabatas na kung tuluyang aalisin ang system loss charge na tinatayang ₱0.7413 kada kilowatt-hour, makatitipid ng humigit-kumulang ₱148 kada buwan ang isang pamilyang kumukonsumo ng 200 kilowatt-hours ng kuryente.
Nanawagan si Ridon sa Kongreso at ERC na agarang kumilos upang hindi na ipapasan pa sa mga konsyumer ang system losses.