Photo courtesy of Deputy Speaker Jay Khonghun
Magsisilbi ngayong working agenda para sa Kongreso ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ayon kay Deputy Speaker Jay Khonghun.
Diin niya hindi lamang ito listahan ng mga pangako kung hindi mga konkretong hakbang na maaaring maisabatas sa nalalabing dalawang taon ng administrasyon.
Kaya naman gagawin aniyang prayoridad ng Kamara ang pagpapalawak ng income tax relief, pagbawas sa singil sa kuryente, tax amnesty, at pagpapadali ng paggamit ng household solar systems.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga programang inilatag para sa edukasyon at kalusugan, kabilang ang pinalawak na school feeding program, pagkuha ng school counselor associates, at pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth.
Sa usapin naman ng West Philippine Sea, sinabi ni Khonghun na mahalaga ang muling pagtitiyak ng Pangulo na ipagtatanggol ang soberanya ng bansa sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan.
Aniya, bilang kongresista, ang pinakamagandang papuri nila ay maipasa ang mga kailangang batas at bantayan ang pagpapatupad nito upang matiyak na ang bawat pangako ay nakarating sa bawat barangay.