Photo courtesy of House of Representatives
Inilunsad ngayong araw sa lalawigan ng Isabela ang “LegisHear,” ang pambansang legislative consultation at oversight program ng House of Representatives.
Pangungunahan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kauna-unahang inaugural event ng nasabing programa na gaganapin sa Isabela State University sa bayan ng Echague.
Ayon kay House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, ang “LegisHear” ay pangunahing hakbang ni Speaker Dy upang isulong ang isang mas bukas, mabilis magresponde, at pabor sa mamamayang Kongreso sa pamamagitan ng direktang konsultasyon sa mga lalawigan.
Inihayag ni Atty. Garafil na sumasalamin ang programa sa pananaw ni Speaker Dy ukol sa isang “Bagong Kongreso”—isang kapulungan na hindi naghihintay na pumunta ang tao sa Maynila, kundi ang Kongreso mismo ang lumalapit sa mamamayan.
Makakasama ni Speaker Dy sa launching si Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel Benitez, kasama ang mga opisyal ng Isabela State University, kinatawan ng mga national government agencies, local government executives, civil society organizations, mga guro, magsasaka, mag-aaral, at iba pang sektor ng lipunan.
Tampok sa nasabing aktibidad ang pagdaraos ng town hall meeting, legislative discussions, focus group discussions, at iba’t ibang public service activities para sa mga residente ng Isabela.
