Umapela ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga pulitiko na ilayo sila sa isyu ng pulitika at nanindigang hindi sila magpapagamit para sa sariling interes ng iilan.
Ito’y kausnod ng social media post ng Kolumnistang si Ramon Tulfo na nagbababala sa mga tiwaling kongresista na may kumikilos umanong sundalo’t pulis para magkasa ng mala vigilante killings.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni AFP Spokesperson, Colonel Francel Margareth Padilla na paulit-ulit na nilang sinasabi na ang kanilang katapatan ay sa watawat at Saligang Batas.
Magugunitang sa post ni Tulfo, may mga mambabatas na bumabalik sa dating gawi na nangongotong umano sa mga kontraktor para makakuha ng kickback sa mga proyekto ng pamahalaan.
Una nang ibinunyag mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malawakang katiwalian kaugnay ng maanomalyang flood control projects na nagpasidhi sa hangarin ng publiko para sa ganap na pagbabago.