Umabot na sa kabuuang 7,701 pamilya o 9,381 indibidwal ang apektado ng bagyong Luis na pinalakas ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang mga apektadong pamilya sa Region II, III, V, at IX.
Sa kasalukuyan, 1,212 pamilya o 3,682 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation center.
Bukod dito, nakapagtala rin ng 18 binahang lugar sa Regions I, IX, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang 398 barangay sa Region II, Cordillera Administrative Region (CAR), at MIMAROPA ang natukoy na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa dahil sa mga pag-ulan.
Habang wala namang naitalang nasawi, nasugatan, o nawawala kaugnay ng sama ng panahon.
Samantala, umabot na sa ₱1.21 milyon ang halaga ng naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektadong residente.