Inaaral pa ng Department of Finance (DOF) ang nilalamang probisyon ng proposed Progress Bill, o ang panukala na magbibigay ng income tax relief sa publiko, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng tax exemption para sa mga kumikita ng ₱350,000 kada taon.
Sa pamamagitan din ng batas, itataas naman ang luxury at sin tax. Kabilang dito ang pagtataas ng buwis sa sweetened beverages at plastic.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, alam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na binubusisi pa ng DOF ang lalamanin ng panukalang ito, lalo’t nais ng Pangulo na maipasa ito sa lalong madaling panahon.
“Sa ngayon po ay inaaral pa, working on it ang DoF. At alam naman po ng Pangulo na kasalukuyan itong binubusisi ng DoF, kasi nais po ng Pangulo na ito ay maipasa sa pinakamabilis na panahon.” -Castro
Kung kakayanin aniyang maipasa ito ngayong 2026, mas mainam, ayon sa Palasyo.
“Ang gusto po ng Pangulo, sana ngayong taon.” -Castro.
Naitanong rin sa opisyal kung hindi ba itinuturing ng Palasyo na karagdagang buwis para sa mga Pilipino ang luxury at sin tax.
Ayon kay Usec Castro, hindi naman pangkaraniwang mamamayan ang maaapektuhan nito, lalo’t karaniwan aniyang bumibili o tumatangkilik ng mga produktong ito ay ang mga bumibili ng mamahaling sasakayan.
“Iyong iba po kasing tax na nababanggit ay hindi po ang mga pangkaraniwang mamamayan ang maapektuhan. Mas maapektuhan nito iyong bumibili ng mga mamahaling sasakyan. So ito ay inaaral, so hindi naman po iyong mga middle income ang usually maaapektuhan nung mga binabalak po na tax reform.” -Castro
Ang karagdagang pagbubuwis naman aniya sa sugary drinks, single-use plastics, at vape, para rin sa pagsusulong ng kalusugan ng mga Pilipino, upang maiiwas ang publiko na kumonsumo ng matatamis na pagkain at inumin.
“Ito naman po ay patungkol sa kalusugan. Mas maganda nga pong maiwasan kung tayo po ay laging magko-consume ng napakatamis na mga kakanin o pagkain o inumin.” -Castro