Prayoridad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapaigting sa mga hakbang para mapataas ang tiwala ng taxpayers, sa ilalim ng DARES o ang reform agenda ng ahensya.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, kasama rito ang pinabilis at pinasimple nang proseso ng pagbabayad ng buwis, kasabay ng pinalakas na taxpayer education.
Kasama sa direktiba nito sa mga kawani ng ahensya na dapat maayos at magalang ang pakikitungo ng mga BIR personnel sa taxpayers, lalo na ng mga frontliner.
Aniya, kailangang ipaliwanag nang malinaw sa mga taxpayer ang bawat hakbang sa proseso para maging mas panatag at kumpiyansa ang mga ito sa kanilang pakikitungo sa ahensya.
Samantala, binigyang-diin din ni Mendoza ang pagtutok nito sa kapakanan ng mga kawani ng ahensya.
Mula nang maupo siya bilang BIR Commissioner noong November 2025, nasa 1,300 empleyado na umano ang na-promote, kabilang ang mga matagal nang nagsisilbi sa ahensya.
Kasama rin sa mga hakbang para palakasin ang workforce ang Ethical Standards and Anti-Corruption Course for Revenue Officers o ESACOR.
Inilunsad ito kamakailan lang, na nakatuon sa papapalakas ng integridad, accountability, at professionalism ng mga revenue officer at empleyado ng BIR.