📷 :BIR
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na gawing mas accessible at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan, inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 87-2026. Inilalathala nito ang na-update na listahan ng mga gamot na libre sa Value-Added Tax (VAT) na inendorso ng Food and Drug Administration (FDA) alinsunod sa Republic Act No. 10963 (TRAIN Law) at Republic Act No. 11534 (CREATE Act).
Ang paglalabas ng sirkular na ito ay sumusuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) na palawakin ang access sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing gamot. Ang hakbang na ito ay alinsunod din sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagaanin ang pasaning pinansyal ng mamamayang Pilipino.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang komitment ng Kawanihan sa pagpapatupad ng mga patakaran sa buwis na direktang nagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
“Nananatiling matatag ang Kawanihan sa pagpapatupad ng mga patakaran sa buwis na direktang nakikinabang ang ating mamamayan. Sa pagpapalawak ng listahan ng mga gamot na libre sa VAT, tinutulungan natin na maging mas abot-kaya ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan habang sinusuportahan ang pananaw ng Pangulo para sa isang mas malusog at mas matatag na Pilipinas,” pahayag ni Commissioner Mendoza.
Sa pinakabagong update na ito, umakyat na sa 2,277 ang bilang ng mga gamot na exempt sa VAT, kabilang ang 14 na bagong idinagdag na gamot. Ang pinalawak na sakop na ito ay tumutulong na mabawasan ang out-of-pocket na gastusing medikal ng mga pamilya, lalo na para sa mga Pilipinong sumasailalim sa matagalang gamutan para sa mga malubha at kronikong karamdaman.
Kabilang na ngayon sa na-update na listahan ang mga gamot na ginagamit sa paggamot ng:
- Kanser – 708 na gamot
- Altapresyon (Hypertension) – 537 na gamot
- Diabetes – 331 na gamot
- Karamdaman sa Pag-iisip (Mental Illness) – 300 na gamot
- Mataas na Kolesterol (High Cholesterol) – 172 na gamot
- Sakit sa Bato (Kidney Disease) – 152 na gamot
- Tuberkulosis (TB) – 77 na gamot
Ang bawat pisong natitipid mula sa VAT exemption ay malaking tulong upang maipagpatuloy ng mga pamilya ang kanilang gamutan, makabili ng mga kinakailangang gamot, at mas mapamahalaan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa pamamagitan ng pagpapadali ng access sa mas abot-kayang serbisyong pangkalusugan, sinusportahan din ng pamahalaan ang mas magandang resulta ng gamutan at ang pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng milyun-milyong Pilipino.
Habang patuloy na tinutupad ng Kawanihan ang mandato nitong mangolekta ng buwis para sa pambansang kaunlaran, tinitiyak din nito na ang sistema ng pagbubuwis ay naghahatid ng makabuluhan at konkretong benepisyo para sa mamamayang Pilipino. ###