Aabot na ngayon sa 2,277 ang kabuuang bilang ng VAT-exempt medicines matapos na madagdagan pa ang listahan ng mga gamot na hindi na papatawan ng Value-Added Tax o VAT, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa inilabas na Revenue Memorandum Circular No. 87-2026 ng BIR, 14 na gamot pa ang nadagdag sa VAT-exempted kabilang ang ilang gamot sa cancer, hypertension, diabetes, mental illness, high cholesterol, kidney disease at tuberculosis.
Ayon sa BIR, layon ng updated list na mabawasan ang gastos ng mga pasyenteng nangangailangan ng pang matagalang gamutan, lalo na ang may chronic at life-threatening illnesses.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, na bahagi ito ng pagsisikap ng ahensya na maipatupad ang mga tax policy na direktang makatutulong sa mga Pilipino at gawing mas abot-kaya ang mga pangunahing gamot.
Tiniyak din nitong mahigpit ang koordinasyon nila sa FDA pagdating sa monitoring ng VAT exemption sa gamot at health products.