Nananatiling naka-alerto ang Department of Social Welfare and Development Field Office–National Capital Region (DSWD-NCR) sa posibleng epekto ng Bagyong Maymay at ng pinalalakas nitong Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa DSWD, bagamat hindi direktang tatahakin ng bagyo ang Metro Manila, inaasahang magdudulot ito ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan dahil sa Habagat, na maaaring magresulta sa pagbaha, partikular sa mga mabababang lugar.
Sa pangunguna naman ng Disaster Response Management Division (DRMD), nakaantabay ang DSWD-NCR para sa agarang resource augmentation sakaling mangailangan ng tulong ang mga lokal na pamahalaan.
Katunayan, may naka-preposisyon ditong 68,709 Family Food Packs, 8,654 ready-to-eat food packs, at 2,325 non-food items ang DSWD-NCR para sa mga posibleng maapektuhang pamilya.
Patuloy din ang koordinasyon ng DSWD-NCR sa mga LGU para matiyak ang maagap na pagtugon at mabilis na paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga komunidad na maaapektuhan ng sama ng panahon.