Binigyang-diin ng House prosecution team na magpapatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte hanggang sa mailabas ang pinal na desisyon ng korte, kahit pa magsauli ng pondo ang pangalawang pangulo base sa demand for restitution ng Commission on Audit (COA).
Paliwanag ni House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, magkaiba at hiwalay ang proseso ng impeachment trial at ang audit process ng COA.
Aniya, nakatutok ang proseso ng COA sa pagsunod sa mga regulasyon sa tamang paggamit, paggasta, at pagpapatunay (liquidation) ng pondo ng bayan, samantalang ang impeachment naman ay sumusukat sa kakayahan at karapatan ng isang opisyal na manatili sa puwesto.
Inihayag din ni Atty. Amando Virgil Ligutan, kabilang sa legal counsel ng prosecution, na kailangan pa ring harapin ng Bise Presidente ang paglilitis sa Senate Impeachment Court kahit isauli pa ang pondo.