Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 9532 o ang “Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act” na naglalayong magkaloob ng libreng access sa mga digital textbook, academic materials, at mabilis na Wi-Fi sa mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad.
Binigyang-diin ni Acidre, na siya ring chair ng House Committee on Higher and Technical Education, na hindi sapat para sa mga estudyante na pumasok lamang sa paaralan kundi kailangan din ng mga mag-aaral ang angkop na kagamitan upang makapagtapos.
Sa ilalim ng House Bill, magtatatag ng National Academic Content Repository na pangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Layon nitong malayang makapag-access ang mga estudyante at guro sa mga textbook, lecture video, syllabus, at mga pananaliksik.
Target din ng hakbang ang libreng campus Wi-Fi at magkakaloob ng mga grant para sa pagsasanay at insentibo para sa mga gurong bubuo ng mga localized learning material.
Ayon kay Acidre, layunin ng panukala na maibsan ang “digital divide” upang ang kalidad ng edukasyon ng isang mag-aaral sa probinsya ay maging kasinghusay rin ng sa mga malalaking unibersidad sa bansa.
Ang panukala ay pangunahing inihain nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre.