Nananatiling nakataas ang alerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) upang patuloy na maihatid ang tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Maymay.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay OCD Deputy Administrator for Operations, Asec. Laurence Mina, ibinahagi ng opisyal ang pinakahuling ulat ukol sa sitwasyon sa mga rehiyong hinagupit ng kalamidad.
Batay sa datos na nakalap ng OCD, umabot na sa 39,500 na pamilya o tinatayang 133,000 indibidwal ang naapektuhan sa mga rehiyon 1, 2, 3, 5, 9, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa kasalukuyan, may 2,000 pamilya o 6,200 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa loob ng mga evacuation center, habang may 482 pamilya o 1,600 indibidwal naman ang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak at kakilala.
Iniulat din ng opisyal na may 52 lugar ang nakaranas ng pagbaha sa Regions 1, 3, at CALABARZON, habang tatlong insidente ng landslide ang naitala sa Regions 1, CAR, at CALABARZON.
Malungkot na kinumpirma naman ni Asec. Mina na umakyat na sa lima (5) ang bilang ng nasawi: dalawa (2) sa Rodriguez, Rizal, sanhi ng pagguho ng lupa; at dalawa (2) rin sa La Trinidad, Benguet, dahil sa landslide, kung saan may naitala ring isang (1) sugatan.
Samantala, sa sektor ng transportasyong pandagat, walong (8) seaports ang nagkansela ng biyahe sa Regions 1, 3, at 5. Dahil dito, nasa 396 na pasahero, 33 rolling cargos, at 5 vessels ang nananatiling stranded sa ngayon sa Region 5 at CALABARZON.
Tiniyak ng opisyal na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga lokal na yunit upang mapabilis ang rehabilitasyon at pamamahagi ng ayuda sa ating mga kababayan.