Mariing pinabulaanan ni House Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing ang alegasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may mga insertion ang mga mambabatas, partikular ang mga miyembro ng prosecution panel, sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Suansing, imposibleng magkaroon ng insertion ang Kongreso sa National Expenditure Program o NEP dahil hindi pa umano ito nakikita ng mga mambabatas at ang pagbuo nito ay nasa hurisdiksyon ng Executive.
Tumanggi naman siyang mag-speculate kung bakit pinalutang ang naturang alegasyon, ngunit tiniyak niyang walang insertion sa 2027 NEP, gaya rin aniya ng 2026 budget.
Iginiit ni Suansing na dumaan ang budget process sa transparent na sistema, kabilang ang paglalagay ng pangalan ng mambabatas na nagmungkahi ng institutional amendment sa bawat line item sa ang 2026 budget.
Hinamon din niya ang mga may pagdududa sa proseso na tingnan ang mga repormang ipinatupad ng Kamara noong nakaraang taon para maging mas bukas at transparent ang budget process. | ulat ni Kathleen Forbes