Umabot na sa 1,441 Local Government Units sa buong bansa ang may itinalagang Local Economic Development and Investment Promotions Officers o LEDIPOs.
Kabilang dito ang 57 probinsya, 110 lungsod at 1,274 munisipalidad, habang 688 LGUs naman ang may sariling LEDIP Office o Unit.
Ayon sa Department of the Intetior and Local Government, layunin ng LEDIP mechanism na makahikayat ng mga mamumuhunan, masuportahan ang mga negosyo at makalikha ng trabaho sa mga komunidad.
Hinihikayat ng ahensya ang mga LGU na magtalaga ng LEDIPO at magtatag ng LEDIP Office o Unit, alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2020-167.
Sa Iloilo City, nagsagawa ang LEDIP Office ng unang MSME Summit na dinaluhan ng mahigit 170 negosyo para sa pagsasanay, business networking at access sa serbisyo ng gobyerno.
Sa Taytay, Rizal naman, nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa DENR para sa Project Tahi, na naglalayong matukoy ang daloy ng textile waste at suportahan ang mga hakbang para sa circular economy. | ulat ni Rey Ferrer