Umabot na sa 19 ang bilang ng napaulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Bagyong Maymay at Habagat.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of 6 a.m, August 11.
Sa bilang na ito, 12 ang nasawi sa Benguet, apat sa Rizal at tatlo sa Batangas. Kabilang sa mga naitalang insidente ang landslide, pagkahulog ng puno, pagkalunod at pagkakuryente.
Samantala, 15 ang naitalang nasugatan at apat naman ang nawawala dahil sa epekto ng masamang panahon.
Mahigit 646,000 pamilya o higit 2.2 milyong indibidwal naman ang apektado ng habagat sa 10 rehiyon.
Habang nasa 919 evacuation centers ang ginagamit, kung saan mahigit 94,000 indibidwal ang pansamantalang lumikas.
Patuloy naman ang monitoring at validation ng NDRRMC sa mga naiulat na casualties at pinsala sa mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon. | ulat ni Diane Lear