Umabot sa higit ₱4,700,000.00 ang ipinamahaging sahod ng Department of Labor and Employment o DOLE Caraga sa 665 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD. Bawat TUPAD beneficiary ay tumanggap ng tig ₱7,125 matapos ang 15 araw na emergency community work.
Bukod dito, binuksan din ang oportunidad na magkaroon ng trabaho ang mga jobseeker sa rehiyon. Isinagawa ang payout at Trabaho Agad Job Fair bilang bahagi ng LegisHear 2026: Bawat Batas Mahalaga na isinagawa sa Caraga State University, Butuan City.
Nasa 226 jobseekers ang lumahok sa Trabaho Agad Job Fair, kung saan 20 local employers ang nag-alok ng 626 job vacancies. Naitala na nasa 25 aplikante ang agad na natanggap sa trabaho o Hired-On-The-Spot o HOTS.
Ayon sa DOLE Caraga, patunay ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mailapit sa mga mamamayan ang employment assistance at social protection.
Sa ilalim ng Trabaho Agad agenda ng DOLE, patuloy ding pinapalakas ng ahensya ang pakikipagtulungan sa mga local stakeholders upang mapalawak ang employment opportunities at matulungan ang mga Caraganon na magkaroon ng mas matatag at pangmatagalang kabuhayan.