Welcome para sa ilang miyembro ng House Prosecution Panel ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kasong Grave Threats laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito ng mga pahayag ng Bise Presidente tungkol sa pagkuha umano niya ng hitman para ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at mga miyembro ng pamilya nito.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, malinaw na patunay ang pagsasampa ng kaso na walang sinuman ang nakatataas sa batas.
“Ang pagsasampa ng DOJ ng kasong Grave Threat laban kay VP Sara Duterte ay malinaw na pagpapatunay lamang na ‘no one is above the law’,” saad ni Luistro.
Sinabi naman ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na panahon na para maisampa ang kaso at dapat lamang itong gawin.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na pormal nang inihain ang complaint na Grave Threats laban kay Duterte.
Nakasaad sa reklamo na nilabag ng Bise Presidente sa Article 282 ng Revised Penal Code tungkol sa Grave Threats, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.