Binansagan nang “garbage crisis” ni Public Works Sec. Vince Dizon ang nagmistulang dagat ng basura sa open canal ng Baclaran, Parañaque City.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na halos mapuno ng basura ang isang kilometrong open channel matapos ang malakas na pag-ulan.
Isa raw itong ‘nationwide crisis’ dahil bukod sa Metro Manila, galing ang mga basura sa iba’t ibang probinsya gaya ng Cavite, Bataan at Batangas.
Ayon kay Dizon, nasa 100 truck ang mahahakot sa area na target matapos ngayong linggo.
Idiniin niya ang pangangailangan sa overall master plan para matugunan ang hindi matapos-tapos na problema sa basura.
Hindi napigilan ng kalihim na magpahayag ng dismaya sa aniya’y ‘first time’ na nangyari sa open canal.