Tiniyak mismo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na mahigpit silang nakatutok sa pamamahagi ng tulong sa mga lugar na labis na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at matinding habagat.
Ayon kay Gatchalian, nasa mahigit 400,000 family food packs na ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga lugar na labis na naapektuhan ng masamang panahon.
Umabot naman na sa halos P329-milyon ang halaga ng nailaan nitong tulong sa mga apektadong komunidad.
Gayundin patuloy ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng mga ready-to-eat food boxes at non-food items sa mga sinalanta ng bagyo at habagat.
Pinakamarami ang nailaang tulong sa Central Luzon at sa CALABARZON region.
Pagtitiyak ng DSWD na may pagkain ang mga nasa evacuation centers batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Samantala, pagaganahin din ng DSWD ang cash assistance program nito na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) upang mabigyan ng pinansiyal na suporta ang mga pamilya at residenteng pinadapa ng mga bagyo at matinding habagat.