Photo courtesy of Energy Regulatory Commission
Kinumpirma ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakikipag-usap na ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa posibilidad na alisin na ang 12% na value added tax o VAT sa System Loss Charge sa kuryente.
Ayon ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan mahalagang matukoy ang system loss charge bilang isang government mandated charge upang hindi na ito masaklaw pa ng VAT tulad ng ibang singil sa kuryente tulad ng GEA allowance charge at lifeline rate charge.
Kabilang nga sa mga pagdadaanan nito ay ang konsultasyon at masinsinang koordinasyon sa BIR kung saan kinakailangang maisa-pinal at mapromulgate ang isang resolusyon kung saan kakambal nito ay tanggapin ito ng BIR at gumawa ng sariling kautusan upang maipatupad ang pag-aalis ng VAT sa system loss charge.
Kung susumahin bilyong piso rin ang katumbas nito dahil kung nasa 50 billion pesos ang kabuuang nakolektang System Loss Charge sa lahat ng mga konsyumer sa buong bansa kada taon, aabot din ng 6 billion pesos ang 12% VAT.
Kaya naman mahalaga na maitulak na ang pag-uusap na ito ng ERC at BIR dahil kung magkakasundo na agad sila para maglabas ng kautusan ang BIR na tanggalin na ang 12% VAT sa System Loss Charge ay hindi na kakailanganin pang amyendahan ang batas para rito.