Naging mabilis ang pag-responde ng Pasig City Local Government kaugnay nang naranasang epekto ng Habagat sa buong bansa.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office Chief, Bryant Wong sumampa sa 7,000 indibidwal ang naapektuhan sa kanilang lungsod na agad namang natugunan ang pangangailangan.
Nasa lima hanggang anim na barangay naman ang apektado ng pagbaha bunsod ng pag-apaw ng tubig sa Marikina River.
Sa ngayon wala nang residente ang nananatili sa evacuation centers dahil sa unti-unti nang pagbuti ng panahon at mabilis na paghupa ng baha.
Nagpapatuloy rin ang Oplan Kontra Baha initiatives ng Pasig upang mas mapalakas ang flood mitigation measures sa lungsod na sinasabayan din ng kanilang iba pang programa na sumasagot sa problema sa baha.
Naging mas organisado na rin ang City Social Welfare and Development Office ng Pasig na mas tinutukan na ang Camp management at pagpapanatili ng maayos na healthcare services para sa mga evacuee.
Ilang makabagong pamamaraan na rin pagdating sa guidelines ng pagsususpinde ng pasok ang ginagawa ng Lungsod ng Pasig upang mas maagang maabisuhan ang mga estudyante at magulang kung kanselado ang pasok dahil sa masamang panahon.