Sa kabila ng maulang panahon, naisagawa pa rin ng DSWD Regional Field Office 1 – Ilocos Region ang payout para sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Program sa bayan ng Bugallon.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng nabanggit na tanggapan, sa 1,569 na target beneficiaries ng programa sa bayan, 1,109 ang nakatanggap ng tig-Php 2,000 sa payout activity na ginanap sa Bugallon Sports Complex.
Kung susumain, umabot sa ₱2,218,000 ang kabuuang halaga ng tulong na naipagkaloob ng DSWD Regional Field Office 1 – Ilocos Region para sa mga residente ng bayan.
Samantala, ayon parin sa tanggapan, magkakaroon muli ng pagtatakda ng iskedyul ng payout para sa mga target beneficiaries na hindi nakapunta kahapon upang makuha ng mga ito ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Mababatid na para sa mas sistematiko at maayos na payout, nauna nang nagsagawa ng beripikasyon ang LGU Bugallon sa listahang ibinaba sa kanila upang matiyak na tanging mga kwalipikadong benepisyaryo lamang ang pupunta sa lugar kung saan ipinamahagi ang UPLIFT cash assistance.
📷 LGU Bugallon