Maglalagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mobile pump sa area ng Magallanes, Makati City, kasunod ng insidente ng pagbaha na nagdulot ng matinding trapiko at pag-iipon ng mga sasakyan sa lugar.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, plano nilang ikabit ang hose ng ilalagay na mobile pump sa catchment upang mahigop ang naiipong baha.
Ipinaliwanag ni Artes na naiipon sa lugar ang tubig na nagmumula sa mga kalsada ng Pasong Tamo, Pasong Tamo Extension, at EDSA.
Nakatakdang isagawa ang paglalagay ng mobile pump ngayong buwan o sa unang bahagi ng Setyembre.
Matatandaang nitong Lunes, maraming motorista ang naipit sa matinding trapiko sa iba’t ibang bahagi ng Makati at EDSA dulot ng pagbahang idinulot ng Habagat. | ulat ni Diane Lear