Aabot sa 2,360 barangay sa Ilocos Region ang kabilang sa mga lugar na may banta ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa patuloy na pag-ulan, ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 1.
Batay sa Rain-Induced Landslide and Flooding Advisory ng MGB na epektibo mula August 17 hanggang August 20, 2026, pinapayuhan ang mga komunidad sa mga lugar na may mataas hanggang napakataas na posibilidad ng rain-induced landslide at pagbaha na manatiling alerto.
Sa datos ng MGB, 414 barangay ang may high hanggang very high susceptibility sa pagguho ng lupa, kung saan pinakamarami ang naitala sa Ilocos Sur. Samantala, 807 barangay naman ang may moderate susceptibility sa landslide, na pinakamarami sa La Union.
Para naman sa pagbaha, 605 barangay ang may very high susceptibility, 1,935 barangay ang high susceptibility, at 1,786 barangay ang moderate susceptibility.
Ayon sa MGB, nakabatay ang advisory sa pinakahuling 72-hour rainfall forecast ng DOST-PAGASA, gamit ang GSM 50 millimeters at WRF 50 millimeters rainfall thresholds. Maaari anilang magbago ang antas ng panganib depende sa kondisyon ng lupa.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente, kabilang ang mga nasa kalapit at downstream na lugar, na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya.