Nananatiling buo ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay ng kanilang word war ng Chinese Embassy.
Ito’y makaraang kuwestyunin ng Embahada ng Tsina sa mga ikinasang operasyon ng iba’t ibang Law Enforcement Agencies sa mga ipinasarang pabrika ng bakal sa bansa na kinasasangkutan ng mga Chinese national.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, laging susuportahan ng AFP ang mga operasyon na may kinalaman sa law enforcement bilang bahagi ng kanilang mandato na pangalagaan ang estado.
Giit ni Trinidad, ipatutupad nila ang batas nang walang pagtatangi o diskriminasyon at naaayon sa mga umiiral na batas ng bansa lalo na kung nalalagay sa balag ng alanganin ang kaligtasan ng publiko.
Magugunitang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang nanguna sa mga operasyon sa Sanjia Steel sa Misamis Oriental at Davao Mighty Steel sa Davao City.
Halos 70 Chinese national ang isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad sa Sanjia habang nasa 10 Chinese nationals naman ang kakasuhan dahil sa pagiging incorporator ng Davao Mighty Steel.
Ikinasa ang mga naturang operasyon dahil sa paggawa ng mga ito ng mga sub-standard na bakal at naglalaman ng radioactive gayundin ng mga mapanganib na kemikal na lubhang nakasasama sa kalusugan.