Pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC), ang pansamantalang suspensyon sa koleksyon ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) upang makatulong sa mga pamilyang Pilipino dahil sa mataas na inflation at presyo ng bilihin.
Ang GEA-All ay bahagi ng singil sa kuryente na kinokolekta mula sa mga konsyumer upang tustusan ang programa ng gobyerno sa renewable energy.
Sa abiso ng ERC, saklaw ng suspensyon ang GEA-All rate na PhP 0.0371 kada kilowatt-hour para sa mga billing month ng Setyembre hanggang Disyembre 2026.
Ayon sa ERC, nasa PhP 556.91 milyon ang balanse ng GEA-All Fund, sapat upang matugunan ang bayarin sa mga eligible na renewable energy developer sa panahon ng suspensyon. Inatasan naman ang lahat ng collection agent na magsumite ng compliance report sa loob ng 15 araw matapos ang billing month ng Disyembre, at ang hindi susunod ay maaaring patawan ng parusa alinsunod sa umiiral na mga batas at panuntunan.