Nadagdagan pa ang mga dam sa Luzon na nakabukas ang gates at nagpapakawala ng tubig dahil sa mga pag-ulan, ayon sa ulat ng PAGASA Hydrometeorology Division kaninang alas-8 ng umaga.
Kabilang sa mga dam na may bukas na control gates ang Ipo, Ambuklao, at Binga dam.
Sa Ipo Dam, bukas ang isang gate na nagpapalabas ng 34.5 cubic meters per second ng tubig.
Dalawa naman ang nakabukas sa Ambuklao Dam, habang umakyat din sa tatlong gates ang kasalukuyang bukas sa Binga Dam na may discharge na 245.18 cubic meters per second.
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang water level ng mga pangunahing dam, lalo na sa inuulan dulot ng Habagat.
Samantala, umakyat pa sa 188.75 meters ang lebel ng tubig sa Angat dam habang ang La Mesa Dam naman sa Quezon City ay bumababa na ang lebel na nasa 79.86 meters.