Nanawagan si House Committee on Public Order and Safety Chair Rolando Valeriano sa Philippine National Police o PNP na magsagawa ng nationwide firearms safety at compliance drive, kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga.
Partikular aniyang dapat tutukan ng PNP ang mga licensed gun owners na may kasamang mga batang nasa school age sa kanilang tahanan, upang matiyak na ligtas na nakatago at hindi naaabot ng mga menor de edad ang kanilang mga baril.
Ayon kay Valeriano, dapat beripikahin ng PNP Firearms and Explosives Office kung nananatiling rehistrado nang maayos ang mga baril at paalalahanan ang mga gun owner na kailangang ligtas na itago ang mga ito at hindi dapat mapunta sa kamay ng mga bata.
Dapat ding agad umaksyon ang lokal na pulisya sa mga ulat o ebidensya ng iligal na pagmamay-ari ng baril, alinsunod sa batas.
Giit ni Valeriano, hindi na dapat ituring na isolated incident lamang ang nangyaring pamamaril dahil mas mapanganib na aniya ang panahon ngayon, lalo na para sa mga kabataan.
Binigyang-diin din ng mambabatas na police matter ang usapin ng gun safety at hindi ito dapat gawing isyung pulitikal o gamitin para itulak ang pagkakaroon ng confidential funds ng Department of Education.