Nasagip ang 10 manggagawa mula sa isang tugboat na lumubog sa karagatan ng Botolan, Zambales ngayong Agosto 24.
Ayon sa Philippine Coast Guard, hinihila palayo sa lugar ang MTUG SL SUAL 1 matapos itong sumadsad nang magsimula itong tumagilid sa kanang bahagi at tuluyang lumubog sa tubig na may lalim na humigit-kumulang 24 metro.
Tumalon sa dagat ang 10 manggagawa bago tuluyang lumubog ang tugboat at lahat ay nailigtas na nasa maayos na kondisyon.
May kargang humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel ang sasakyang-pandagat ngunit iniulat na buo pa ang fuel tank nito. Nagsagawa na rin ang PCG ng shoreline patrol at naghanda ng oil spill response equipment sakaling magkaroon ng tagas ng petrolyo.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, iniimbestigahan kung tumama ang tugboat sa nakalubog na metal debris o bahagi ng naunang lumubog na sasakyang-pandagat sa lugar.
Tinitingnan din ng PCG kung nakadagdag sa insidente ang malalakas na alon at maalong kondisyon ng dagat habang patuloy ang imbestigasyon sa eksaktong sanhi ng paglubog.