Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Mahalaga ang papel na gagampanan ng pamahalaan at ng mga akademiko upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral.
Ito ang binigyang-diin ng psychologist at psychometrician na si Dr. Kenneth Lloyd Camaclang sa panayam sa programang “Warm Heart” ng Radyo Pilipinas World Service.
Pahayag ito ni Dr. Camaclang kaugnay sa mas pinalawak na pananaw sa mga nagaganap na insidente sa mga eskwelahan, partikular na sa mga nakaranas ng matitinding traumatic events.
Kasabay nito, ipinaliwanag din ng eksperto na sa usapin ng mental health, krusyal na magkaroon ng komprehensibong programa ang bawat paaralan at institusyon. Alinsunod na rin, aniya, ito sa umiiral na Mental Health Law sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Dr. Camaclang, kinakailangang maging solido, may istruktura, at sistematiko ang mga programa sa kalusugang pangkaisipan.
Hindi lamang umano ito basta programa, aniya, kung hindi dapat ay may aktwal na presensya at tulong mula sa mga mental health professional.
Ito ay dahil sa dulo ng bawat sitwasyon, may mga pagkakataong kinakailangan ang pormal na referral sa mga eksperto.
Sa huli, nanawagan siya ng pagtutulungan at pagbuo ng alyansa sa pagitan ng iba’t ibang sektor, dahil ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan ay hindi lamang dapat iasa sa pamahalaan.