LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, 24 Agosto 2026— Inilahad ni Education Secretary Sonny Angara ang estratehiya ng Department of Education (DepEd) sa pagtugon sa sakuna sa isang situation briefing na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pampanga, kasunod ng malawakang pinsala sa mga pasilidad ng edukasyon na dulot ng pinalakas na habagat at mga bagyo kamakailan.
Ayon sa pinakahuling ulat, umabot sa 1,594 na paaralan sa buong bansa ang napinsala, kung saan 9,597 na silid-aralan ang naapektuhan mula sa bahagya at malaking pinsala. Pinakamatinding tinamaan ang Central Luzon (Region III) na nagtala ng 41 porsyento ng kabuuang pinsala—kung saan may 3,596 na silid-aralan sa 412 na paaralan ang nagtamo ng bahagya at malaking pinsala. May kabuuang 126,584 na mag-aaral ang naapektuhan sa buong rehiyon.
Sa nasabing rehiyon, ang Pampanga ang nagtala ng pinakamataas na pinsala na may 1,689 silid-aralan, na sinusundan ng Bulacan na may 933.
Bukod dito, ginagamit ngayong evacuation center ang 1,066 na silid-aralan sa 291 paaralan para sa 9,068 na pamilyang inilikas. Sa Region III naman, 237 silid-aralan sa 78 paaralan ang pansamantalang nagsisilbing shelter para sa 1,951 pamilya.
“Unang-una sa lahat, ang marching order ng ating Pangulong Bongbong Marcos ay siguraduhing ligtas ang ating mga mag-aaral at guro, habang binabawasan natin ang abala sa kanilang pag-aaral,” pahayag ni Secretary Angara.
“Kaya agad tayong nagbaba ng suporta sa ating mga paaralan—mula sa paglilinis hanggang sa pagpapalit ng mga nasirang modules. Hindi natin hahayaang matigil ang edukasyon ng kabataan dahil lang sa hagupit ng bagyo.”
Upang matugunan ang agarang pangangailangan, inulat ng DepEd ang paunang pangangailangan na PHP318.01 milyong pondo para sa minor repairs at paglilinis ng 1,594 na paaralan sa buong bansa.
Sinabi ng DepEd ang pangangailangan na PHP109.71 milyon para sa 412 na paaralan sa Gitnang Luzon, kung saan PHP12.69 milyon ang para sa debris cleanup at sanitation habang PHP97.02 milyon naman ang para sa minor repair ng 1,980 silid-aralan.
Layon ng DepEd na kumuha ng pondo mula sa Disaster Preparedness and Response Program (DPRP) at sa Special Budget Request na isinumite sa Department of Budget and Management (DBM).
Makikipagtulungan din ang Kagawaran sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa programang Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged Workers (TUPAD) upang tumulong sa paglinis ng mga kampus.
Inirerekomenda rin ang kabuuang PHP2.604 bilyong pondo para sa major repair at reconstruction sa buong bansa, kabilang ang PHP359 milyon para sa major repair ng 718 paaralan at PHP2.245 bilyon para sa reconstruction ng 898 paaralan.
Bukod sa pisikal na pag-aayos, tinutugunan din ng DepEd ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad ng paaralan. Nagsimula na ang mga regional at division offices sa emergency reprinting at procurement para palitan ang 23,154 na nasirang self-learning modules.
Sa mga nabahang paaralan sa Tarlac City, tinutulungan ng Project Rescue (Recovery and Enrichment) literacy recovery program ang 65,734 na mag-aaral sa pamamagitan ng alternative delivery modes.
Umabot sa maximum na 12 araw na walang klase ang naranasan ng mga apektadong paaralan sa Region III, lalo na sa Pampanga at Zambales.
Gamit ang DepEd Guidelines on Learning Continuity in Emergencies (DepEd Order No. 014, s. 2026), ipinapatupad ng mga paaralan ang “4H” framework: Hinto para sa suspensyon ng klase dahil sa peligro; Hinga para sa psychosocial support at reduced load; Hinay para sa flexible learning at paunting-unting pagbabalik-aral; at Hayo para sa pagpapatuloy ng regular na klase.
Upang maiwasan ang paulit-ulit na pagkaantala sa klase at matinding pagkabawas sa natutunan ng mga mag-aaral, nagmungkahi ang DepEd ng bagong Executive Order (EO) na papalit sa EO No. 66, s. 2012.
Nilalayon ng panukalang EO na magtakda ng isang kabuuang policy framework upang magkaroon ng three-tier system para sa automatic, localized, at granular suspensions para sa mga natural at human-induced hazards.
Sa ilalim ng bagong panukala, papayagan ang granular o school-level resumption kung saan pwedeng magbalik sa in-person classes ang isang ligtas na paaralan kahit may umiiral na pangkalahatang suspensyon sa lungsod, basta’t may safety assessment at pahintulot ng lokal na pamahalaan (LGU).
Maglalabas naman ang mga kinauukulang ahensya ng hiwalay na operational guidelines na magtatakda ng mga tiyak na pamantayan, safety assessment, timeframe para sa pagsang-ayon ng mga LGU at DepEd division offices, pati na rin ang mga protocol para sa pagpapatuloy ng pag-aaral.
Samantala, ang mga naapektuhang guro at kawani ay pwedeng makakuha ng hanggang PHP150,000 na pautang mula sa DepEd Provident Fund, bukod sa GSIS Emergency Loan at iba pang pribadong institusyon, habang umiiral din ang flexible work arrangements sa mga apektadong division.