Photo by Senate of the Philippines FB
Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa mga magulang at guardian na palakasin ang komunikasyon sa kanilang mga anak at huwag umasa lang sa teknolohiya para mabantayan ang kanilang kalagayan.
Kasunod ito ng pagkakasamsam ng baril mula sa bag ng isang Grade 9 student sa Cebu, ilang araw matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinamatay ng dalawang school children at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Ayon sa mga awtoridad, pagmamay-ari ng lolo ng estudyante ang baril na nakuha sa Cebu.
Giit ni Tulfo, nagsisimula sa tahanan ang pag-iwas sa ganitong insidente.
Kaya naman hinimok niya ang mga magulang na regular na kausapin ang kanilang mga anak, alamin ang kanilang pinagdaraanan, at kumustahin ang kanilang mental at emotional well-being.
Binigyang-diin din ng senador na walang batang likas na marahas at maaaring may mga pangyayaring nagtutulak sa kanila sa ganitong pag-uugali.
Samantala, iginiit ni Senator Erwin na dapat managot ang mga gun owner at firearm custodian na pabaya sa pag-iingat ng kanilang mga armas, partikular kung napupunta ito sa kamay ng mga bata.
Inihahanda na aniya ng mambabatas ang isang panukalang batas na magpapataw ng criminal liability sa mga negligent gun owner at custodian.
Ayon kay Tulfo, kailangang palakasin ang umiiral na mga patakaran sa pagmamay-ari ng baril upang matiyak na hindi makakakuha ng armas ang mga bata at hindi ito mauuwi sa panibagong trahedya.