Maglalaan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng humigit-kumulang ₱300 milyong kada buwan para sa pagbabayad ng pagkakautang nito sa Philippine Sports Commission (PSC).
Kasunod ito ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagtakda sa computation ng kontribusyon ng PAGCOR sa PSC.
Ayon kay PAGCOR Chair Alejandro Tengco, dati ay 5% lamang ng gaming revenue ang ibinabayad ng ahensya sa PSC batay sa dating interpretasyon ng batas.
Ngunit sa final ruling ng Korte Suprema na inilabas noong huling bahagi ng 2025, itinakda na dapat 5% ng gross income ng PAGCOR ang basehan ng kontribusyon nito sa PSC.
Dahil retroactive ang ruling hanggang 1993, lumalabas na nasa ₱37 bilyong piso ang kailangang bayaran ng PAGCOR sa PSC.
Sinabi ni Tengco na ipinagkaloob ng Korte Suprema sa PAGCOR ang hanggang 10 taon para bayaran ang naturang halaga, katumbas ng humigit-kumulang ₱3.7 bilyon kada taon o mahigit ₱300 milyon kada buwan.
Dahil dito, sinabi ni Tengco na malaking epekto ito sa mga pondong maaari sanang ilaan ng PAGCOR sa iba pang nation-building programs at tulong sa iba’t ibang sektor, ngunit kailangan nilang sundin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema.