Pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto ang Bagong Pilipinas Rice Distribution at ang Bawat Barangay Makikinabang Assistance Rollout sa Iloilo ngayong Martes, Agosto 25.
Unang dumalo si ES Recto sa pamamahagi ng rice aid sa bayan ng Pavia, Iloilo, para sa 1,500 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor.
Ang rice aid ay bahagi ng Bagong Pilipinas Rice Distribution, na ipatutupad sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan.
Ayon kay ES Recto, ang rice aid ay hindi lamang dapat nababasa sa balita o nakikita, kundi dapat mismong maramdaman ng mga benepisyaryo ang tulong ng pamahalaan.
Aniya, mahalagang maging konkretong suporta ang mga programa upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Dumalo rin si ES Recto sa turnover ng mga tseke mula sa Socio-Civic Projects Fund (SCPF) para sa programang Bawat Barangay Makikinabang para sa mga barangay sa lalawigan ng Iloilo. Isinagawa ang turnover sa Iloilo Convention Center.
Makikinabang ang lahat ng 1,721 barangay sa lalawigan, kung saan bawat isa ay tatanggap ng ₱200,000.
Sa nasabing pondo, ₱100,000 ang ilalaan para sa Presidential Scholars, habang ang natitirang ₱100,000 ay gagamitin para sa mga prayoridad na pangangailangan sa grassroots development at community projects ng bawat barangay.
Kasabay ng turnover ng mga tseke, na tinanggap ng mga local chief executive at mga pangulo ng Liga ng mga Barangay, isinagawa rin ang 1st Batch of Barangay Scholars Orientation, kung saan dumalo ang 215 Presidential Scholars.
Dumalo rin si ES Recto sa Luzon National Congress ng League of the Municipalities of the Philippines (LMP) sa Iloilo Convention Center.
Inaasahang magbibigay ng talumpati si ES Recto at pangungunahan din niya ang distribusyon ng Special Allotment Release Order (SARO) sa mga munisipalidad sa Luzon.
Iniharap din ni LMP National President Mayor Inno Dy ang Island Cluster Output at Presidential Action Agenda.
Dumalo rin sa okasyon sina Iloilo Governor Arthur Defensor Jr.; Badiangan, Iloilo Mayor Suzette A. Mamon, na siya ring presidente ng LMP Iloilo Chapter; mga miyembro ng LMP National Executive Council; at mga alkalde mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Luzon. Sa kanyang mensahe, sinabi ni ES Recto na malaki ang papel na ginagampanan ng mga local chief executive dahil sila mismo ang nakaaalam sa mga problema sa bawat barangay. Sila rin aniya ang nagsisilbing tulay upang maipaabot sa pambansang pamahalaan ang mga suliraning nangangailangan ng agarang solusyon.