Inaresto ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 dahil sa umano’y pagbebenta ng recruitment slot sa mga aplikanteng nais maging Fire Officer 1.
Isinagawa ang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng BFP Region 3 at Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Regional Field Unit 3.
Ayon kay BFP Officer-in-Charge FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang aplikante na umano’y hiningan ng ₱500,000 kapalit ng tulong upang makapasok sa BFP.
Gamit umano ang isang dummy Facebook account, nakipag-ugnayan ang suspek sa aplikante at nag-alok ng isang “backer” upang umano’y mapadali ang pagpasok nito sa Bureau.
Naaresto ang suspek matapos ang nakatakdang transaksyon, habang nakarekober naman ang mga awtoridad ng mga ebidensiyang may kaugnayan sa imbestigasyon.
Binigyang-diin ng opisyal ng BFP na walang sinuman ang awtorisadong magbenta, magreserba, o maggarantiya ng recruitment slot. Pinayuhan ang mga aplikante na dumaan lamang sa opisyal na proseso at i-report ang anumang panghihingi ng pera kapalit ng appointment o preferential treatment.