Nanawagan si Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senador Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking ligtas at nabibigyan ng sapat na tulong ang mga Pilipinong marino na nakaligtas sa pag-atake sa Strait of Hormuz.
Kasunod ito ng pagkamatay ng dalawang Filipino seafarers matapos atakihin ang kanilang Saudi-flagged oil tanker habang naglalayag sa Strait of Hormuz nitong Lunes ng gabi.
Sinabi ni Tulfo na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa DMW para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga nakaligtas na tripulante.
Layunin din aniya na ma-repatriate sila sa lalong madaling panahon at maibigay ang kinakailangang tulong sa mga survivor at pamilya ng mga nasawing marino.
Iginiit ni Tulfo na dapat tiyakin ng DMW na iginagalang at naipatutupad ng mga manning agency at shipping company ang “Right to Refuse Sailing” ng mga seafarer sa mga lugar na itinuturing na high-risk, gaya ng Strait of Hormuz.
Hindi aniya dapat malagay sa alanganin ang kanilang mga entitlement at benepisyo kung pipiliin nilang tumangging maglayag sa naturang mga lugar.
Dapat din aniyang tiyakin na may informed consent ang mga tripulante at malinaw na naipapaliwanag sa kanila ang lahat ng security risks bago sila sumampa sa barko at maglayag.
Samantala, sinabi ni Tulfo na nananatiling bukas ang kanyang tanggapan sa anumang tulong na kakailanganin ng mga pamilya ng mga apektadong marino. | ulat ni Nimfa Asuncion