Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking mahigpit na naipatutupad ang mga safety protocol para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa mga lugar na itinuturing na high-risk, partikular sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.
Kasunod ito ng pagkamatay ng dalawang Pilipinong marino matapos atakehin ang isang Saudi-flagged crude oil tanker habang naglalayag sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Gatchalian, dapat agad na maibigay ng DMW ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga pamilya ng mga nasawi gayundin sa mga Pilipinong nakaligtas sa insidente.
Giit ng Senate President, hindi pa tapos ang kaguluhan sa Middle East kaya kailangang tiyakin ng pamahalaan ang kaligtasan ng lahat ng OFWs sa rehiyon, kabilang ang mga Pilipinong seafarer.
Aniya, dapat maging prayoridad ang mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols sa mga lugar at bansang itinuturing na high-risk.
Nagpaabot din si Gatchalian ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mahal sa buhay sa insidente. | ulat ni Nimfa Asuncion