Ipinagtanggol ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang panukalang P51.4 million confidential funds ng Office of the Ombudsman para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, tinanong ni Committee chairman Senador JV Ejercito si Remulla kung bakit kinakailangan ng Ombudsman ang naturang halaga.
Ayon kay Remulla, mas pinaigting na ng kanilang tanggapan ang pag aksyon sa mga kaso at kailangan ang confidential funds para sa pagkuha ng impormasyon pat iba pang bagay na kinakailangan sa mga imbestigasyon.
Napansin naman ni Ejercito na malaki ang itinaas ng confidential funds ng Ombudsman kumpara sa panahon ng dating Ombudsman Samuel Martires, kung kailan nasa isang milyong lang ang confidential funds ng ahensya.
Nasa P148 million ang orihinal na hinihingi ng ombudsman para sa confidential expenses nito sa ilalim ng 2027 budget pero P51.4 million lang ang inirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM).
Suportado naman ng ilang senador ang P51.4 million confidential funds ng ahensya.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III, maliit lang ang naturang halaga kumpara sa bigat ng mandato ng Ombudsman na imbestigahan at papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian.
Sumang-ayon naman si Senate President Sherwin Gatchalian at sinabing maliit ang P51 million kumpara sa bigat ng mga corruption case na kailangang resolbahin ng ahensya. | ulat ni Nimfa Asuncion