Ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang Motion for Reconsideration ni Senador Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada na naglalayong maitakda ang halaga ng piyansa sa kasong plunder laban sa kanya.
Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan, walang naipakitang sapat na dahilan si Estrada para baligtarin ang naunang desisyon ng korte noong July 24 na nagdeklarang premature ang mosyon niya.
Paliwanag ng korte, hindi puwedeng maunang matakda ang halaga ng piyansa kung hindi pa napagpapasyahan sa isang bail hearing kung matibay ba ang ebidensya laban sa akusado, lalo’t reclusion perpetua ang parusa sa plunder.
Iginiit naman sa mosyon ni Estrada na hindi siya flight risk dahil senador siya at mahaba ang kanyang serbisyo publiko. Pero ayon sa korte, magkaibang usapin ang flight risk at ang pagtukoy kung matibay ang ebidensya.
Nilinaw ng Sandiganbayan na hindi ito nangangahulugang tinanggihan na ang karapatan ni Estrada sa piyansa. Tatalakayin pa ito sa nakabinbin niyang Petition for Bail. | ulat ni Diane Lear