Hindi na kailangang maghintay pa ng hiwalay na funding request ang mga government employee na may salary adjustment kung maisasakatuparan ang bagong sistema na isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, gagamitin ang updated plantilla records ng mga ahensya para awtomatikong matukoy ang kakulangan sa Personnel Services o pondong pangsuweldo.
Kapag nakita ng DBM na may deficiency, maaari nitong ilabas ang kinakailangang pondo kahit walang hiwalay na request mula sa ahensya.
Target ng DBM na matapos ang policy circular bago matapos ang Setyembre at isagawa ang live testing ng sistema sa iba’t ibang ahensya pagsapit ng ikaapat na quarter ng 2026.
Mahalaga ito lalo na sa mga public school teachers na nakikinabang sa Expanded Career Progression System, ayon sa kagawaran. Kamakailan, naglaan ang DBM ng P8.68 bilyon para sa salary differentials ng mahigit 93,000 kwalipikadong personnel.
Layunin ng reporma na bawasan ang paperwork at processing delays at mas mapabilis ang pagtanggap ng mga kawani ng gobyerno sa sahod at benepisyong nararapat sa kanila.