Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 16-anyos na person with disability (PWD) matapos malunod sa Barangay Taft, Surigao City, Surigao del Norte.
Ayon sa PCG, agad rumesponde si Apprentice Seaman Rheyson Maestro matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa insidente habang nagsasagawa ng pre-departure inspection noong September 4.
Pagdating sa lugar, agad isinagawa ni Maestro ang cardiopulmonary resuscitation o CPR sa biktima at nagsagawa ng humigit-kumulang 100 chest compressions hanggang sa muling magkaroon ng malay ang dalagita.
Dumating din ang Coast Guard Sub-Station Surigao City at nakipag-ugnayan sa mga lokal na rescue personnel para madala ang biktima sa Caraga Regional Hospital.
Nasa stable na condition ang biktima nang dalhin sa pagamutan.
Binigyang-diin ng PCG, na bahagi ng kanilang Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement Program ang pagsasanay sa mga frontline personnel sa Basic Life Support at tamang pagsasagawa ng CPR.