Photo courtesy of imagerybyoscar via Hollywood Walk of Fame/Instagram
Proud Pinoy moment ang hatid ni Lea Salonga matapos siyang gawaran ng Hollywood Walk of Fame Star noong September 4, 2026. Dahil dito, naging kauna-unahang Filipina si Salonga na tumanggap ng naturang karangalan, isang bagong milestone sa kaniyang makulay na karera sa international entertainment industry.
Iginawad ang kaniyang star sa harap ng Pantages Theatre sa Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California bilang pagkilala sa kaniyang mga kontribusyon sa entertainment at sa pagpapalakas ng Filipino at Asian representation sa industriya.
Kinikilala si Salonga sa kaniyang pagganap bilang Kim sa “Miss Saigon” at sa pagiging singing voice ng dalawang Disney Princesses na sina Princess Jasmine at Mulan, dahilan para kilalanin din siya bilang Disney Legend mula noong 2011. Kabilang din siya sa animated film na “K-pop Demon Hunters” ng Netflix bilang singing voice ni Celine.
Hindi na rin bago kay Salonga ang gumawa ng kasaysayan. Noong 1991, siya ang naging kauna-unahang Asian woman na nanalo ng Tony Award para sa Best Actress in a Musical para sa “Miss Saigon.”

Dumalo sa makasaysayang seremonya ang ilang personalidad na may mahalagang papel sa karera ni Lea Salonga, kabilang ang aktres na si Ming-Na Wen, na nagbigay ng speaking voice ni Mulan sa 1998 Disney animated film na Mulan. Kasama rin sa mga nagbigay-pugay ang African-American singer at actress na si Brandy, na gumanap bilang Cinderella sa 1997 Disney television musical na Rodgers & Hammerstein’s Cinderella. Dumalo rin ang Filipino-American actor at singer na si Darren Criss, na nakasuot ng custom na barong, gayundin ang American singer-songwriter, musician, at actress na si H.E.R., na kasama ni Salonga bilang voice actors sa upcoming animated film na “Forgotten Island.”
Sa kaniyang speech, binalikan ni Salonga ang kaniyang paglalakbay sa kaniyang career at nagpasalamat sa mga taong naniwala sa kaniyang kakayahan at nagbukas ng mga oportunidad para sa kaniya.
Ang pagkakamit ni Lea Salonga ng Hollywood Walk of Fame star ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi isa ring malaking karangalan, inspirasyon, at pag-asa na mas marami pang Asian at Filipino artists ang makikita at makakapagtanghal sa world stage.