Maaaring magpatuloy ang Senado sa kanilang pagboto sa impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte kahit kwestyunin pa sa Korte Suprema ang voting threshold.
Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ito ay maliban na lamang kung magpalabas ang Kataas-taasang Hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) upang patigilin ang proseso.
Ito ang tugon ni Adiong, sa gitna ng umiinit na debate ukol sa kahulugan ng “two-thirds vote” ng lahat ng miyembro ng Senado na nakasaad sa Saligang Batas.
Ayon sa Artikulo XI, Seksyon 3 ng 1987 Constitution, kinakailangan ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Maalalang nagpahayag si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri kung dapat bang i-adjust ang kinakailangang bilang ng boto batay sa kasalukuyang komposisyon ng Senado, lalo’t may ilang senator-judges ang hindi nakadadalo sa paglilitis.
Aniya, ang anumang magiging desisyon ng Korte Suprema sa usaping ito ay magsisilbing mahalagang gabay at batayan hindi lamang sa kasalukuyang kaso kundi maging sa mga katulad na proseso ng impeachment sa hinaharap.