Iginiit ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na nagpapatunay ng umiiral na hustisya sa bansa ang grave threats case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, walang kinikilalang status o posisyon ang batas pagdating sa pananagutan at pagpapatupad ng mga patakaran.
Itinanggi rin niya ang alegasyong political persecution ang kaso at sinabing normal na proseso ng justice system ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa bise presidente.
Tatlong bilang ng grave threats ang isinampa ng Department of Justice laban kay Duterte kaugnay ng kanyang pahayag ng pagbabanta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Binigyang-diin ni Adiong, na hindi dapat balewalain ang grave threats lalo’t naglalabas lamang ng warrant ang korte matapos makitang may probable cause sa mga kaso.
Giit niya, hindi dapat maging dahilan ang mataas na posisyon ni Duterte upang ma-exempt siya sa pananagutan sa mga alegasyon laban sa kanya.
Nanawagan si Adiong sa mga halal na opisyal, na patuloy na igalang ang mga batas at korte kahit hindi pabor sa kanila ang mga proseso o magiging resulta ng kaso.