Photo by Senate of the Philippines FB
Hiniling ni Senator-Judge Erwin Tulfo na mapag-aralan ng Senate Impeachment Court ang posibilidad na ipatawag sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco bilang mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, nais ng mga senator-judge na direktang matanong sina Lachica at Nolasco kaugnay ng alegasyon sa paggamit at umano’y maling paggastos ng confidential funds.
Sina Lachica at Nolasco ang mga itinuturong security officers na nagpatupad umano ng mga confidential activities gamit ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong si VP Sara pa ang namumuno sa mga ahensya.
Iginiit ni Tulfo na mahalagang marinig mismo kay Lachica kung may kinalaman o basbas ba ng Vice President ang paggamit ng pondo o kung siya lamang ang responsable sa mga transaksyon.
Tinanong din ng senador kung maaaring ang mismong Impeachment Court ang magpatawag sa dalawang opisyal sakaling hindi na sila iharap ng Prosecution.
Kinumpirma naman ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro na sa ngayon ay wala nang plano ang Prosecution na iharap sina Lachica at Nolasco dahil naniniwala silang sapat na ang testimonya ng mga nauna nilang iniharap na testigo upang patunayan ang alegasyon ng misuse at misappropriation ng confidential funds.
Gayunman, sinabi ni Impeachment Court Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na may posibilidad pa ring humarap ang dalawa dahil nakalista sina Lachica at Nolasco bilang common witnesses ng Prosecution at Depensa sa pre-trial order.
Kung hindi sila tatawagin ng alinmang panig, sinabi ni Escudero na walang pumipigil sa Impeachment Court na mismo ang magpatawag sa kanila bilang mga testigo.
Nilinaw ni Escudero na kung ang korte mismo ang magpapatawag sa kanila, hindi sila ie-examine ng Prosecution o Depensa. Sa halip, mga tanong lamang ng mga senator-judge ang kanilang sasagutin dahil magiging witnesses of the court sila at hindi ng alinmang partido.