Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang naglalayong gawing permanente ang isang national merit-based scholarship program para sa mga kuwalipikadong mag-aaral na Pilipino.
Sa botohan, nakakuha ang Senate Bill No. 2410 o ang Presidential Merit Scholarship Program Act ng 19 na boto pabor, walang tutol, at walang abstention.
Ayon sa pangunahing sponsor at may-akda ng panukala na si Senador Joel Villanueva, layunin nitong i-institutionalize ang umiiral na Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program at gawin itong permanenteng national scholarship framework para sa mga natatanging Senior High School graduates mula sa pampubliko at pribadong paaralan.
Sa ilalim ng panukala, maaaring maging kwalipikado para sa higher education track ang mga estudyanteng kabilang sa top one percent ng kanilang graduating cohort o may General Weighted Average (GWA) na hindi bababa sa 95 percent.
Para naman sa Technical and Vocational Education and Training (TVET) Diploma track, kinakailangan ang GWA na hindi bababa sa 85 percent.
Hindi rin dapat kasalukuyang tumatanggap ang aplikante ng katumbas na scholarship mula sa iba pang national government scholarship program.
Bukod sa tuition fee, kabilang din sa matatanggap ng mga kuwalipikadong iskolar ang living at transportation allowance, book at connectivity allowance, educational assistance, at suporta para sa internship, thesis, at research requirements, gayundin sa board examinations.
Tinitiyak din ng panukala na regular na maa-adjust ang mga benepisyo upang makasabay sa inflation.
Binigyang-diin ni Villanueva na hindi dapat maantala ang ayuda sa mga iskolar dahil maaaring mauwi ito sa pagkaantala ng kanilang pag-aaral.
Saklaw ng programa ang mga kursong itinuturing na mahalaga sa pambansang kaunlaran, kabilang ang healthcare, agriculture, science and engineering, education and research, artificial intelligence, cybersecurity, advanced manufacturing, at iba pang emerging industries.
Nakasaad din sa panukala na kailangang ibalik ng mga iskolar ang investment ng bayan sa pamamagitan ng return service sa Pilipinas, kabilang ang pagtatrabaho, professional practice, research, teaching, community engagement, public service, o trabaho sa mga industriyang nakatutulong sa pambansang kaunlaran. Kabilang ang panukalang ito sa mga priority measures ng LEDAC.