Photo courtesy | International Maritime Organization (IMO)
Planong magpatupad ng Iran ng bagong restricted zone sa Gulf region bilang isa sa panibagong tugon nito sa nagpapatuloy na tensyon sa lugar.
Ayon kay Iran Supreme National Security Council Secretary Mohsen Rezaei, iaanunsyo nila sa mga susunod na araw ang limitadong lugar sa rehiyon kalakip ang bagong shipping corridor sa Strait of Hormuz.
Aniya, magsisimula ang naturang restricted zone sa puwesto ng blockade ng Estados Unidos na lalampas sa mga lugar sa loob ng Golpo.
Hindi na ito nagbigay ng mas malalim pang detalye bukod sa pagbanggit na mapapasama sa listahan ng may sanction ang mga barkong papasok sa nasabing zone.
Nitong weekend, muling uminit ang tensyon sa pagitan ng Iran at U.S. sa rehiyon matapos subukang puntiryahin ng Iran ang dalawang U.S. navy ships gamit ang ballistic missiles.
Ginantihan naman ito ng Amerika nang pag-atake sa tatlong Iranian tanker na naglalayag sa rehiyon.
Dahil sa mga bagong development, muli na namang sumipa ang Brent Crude Oil sa lampas 97 dollars per barrel sa pagsisimula ng trading nitong Lunes.