Bulk carrier Gingo (Photo screengrab from DMW Facebook page)
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas ang lahat ng hakbang upang ligtas na makauwi sa bansa ang 26 na Pilipinong seafarers matapos umatake sa sinasakyan nilang barko habang nakadaong sa Ukraine noong Setyembre 2.
Ayon sa pahayag ng DMW, ligtas na nakababa mula sa bulk carrier na Gingo ang lahat ng 26 na mangingisdang Pilipino noong Setyembre 4. Walang sinuman sa kanila ang nasaktan at kasalukuyan silang naghihintay ng transit patungong Moldova habang inihahanda ang kanilang repatriation o pagpapauwi sa Pilipinas.
Patuloy na tinututukan ng Philippine Embassy sa Warsaw, Honorary Consul sa Kyiv, at ng Migrant Workers Office (MWO) sa Prague ang kalagayan ng mga seafarer.
Ayon kay Labor Attaché Llewelyn Perez, nakikipag-ugnayan ang mga diplomatic mission ng bansa sa mga awtoridad at sa mismong may-ari ng barko upang mabilis na maiproseso ang mga kinakailangang travel documents ng mga Pilipino.
Dagdag pa ng DMW, natutugunan din ang mga pangunahing pangangailangan ng mga crew sa tulong ng kanilang licensed manning agency at shipowner. Tiniyak ng ahensya sa mga pamilya ng mga seafarer na patuloy silang magsisikap kasama ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis at ligtas na pagbabalik ng mga kababayan sa bansa.